Friday, April 8, 2011

Isang Bungkos Na Pangarap

Ang sumusunod na talumpati ay repost na may pahintulot mula kay G. Ramil Sumangil. Ito ay kanyang sinulat at binigkas para sa mga magsisipagtapos ng elementarya sa Baloy Elementary School noong ika 1 ng Abril, 2011. Maaari niyong basahin ang orihinal nito dito.

Si G. Ramil Sumangil ay taga Baloy, Cuyapo, Nueva Ecija.


Si G. Ramil Sumangil, kasama ang mga Guro.

Kagalang galang na Tagamasid Pampurok, Gng. Marissa Gamboa; Punong Guro, G. Adison Salvador; iginagalang naming mga guro; Apo Kapitan, Ruben Lawig; kapwa ko mga magulang; mga magsisipagtapos; aking mga kababayan at mga kaibigan, naimbag nga bigat tayo amin, Apo.

Isa pong karangalan ang pagkakataong ito na ibinigay niyo sa akin para makapagbahagi ng simpleng mensahe sa mga magsisipagtapos at sa inyong lahat.

Ang edukasyon ay isang prebilihiyo. Napakaswerte natin dahil tayo ay nabiyayaan at nabigyan ng pagkakataong makapag-aral.
Tatlumpot tatlong (33) taon na po ang lumipas, isa din ako sa mga nakaupo diyan sa mga silyang iyan kasama ang isang bungkos na pangarap na nagbigay pag-asa upang magpursigi at magkaroon ng magandang buhay.

Noong panahon ko, at sa aking murang edad, isa ako sa mga nangangarap habang nagpapastol ng kalabaw; habang bumubunot ng punla ng palay; habang naggagapas at tumutulong sa pag-ani nito. Kapag may sayawan sa plaza tuwing sasapit ang kapistahan o kapaskuhan, isa ako sa mga batang nahahamugan para lang makapagbenta ng mga kendi, juicy fruit, bubble gum, sigarilyo at soft drinks sa kalagitnaan at lamig ng gabi. Kapag araw naman ng Sabado at Linggo, kasama ako ng aking Inang sa paglalako ng mga bunga ng mangga sa Cuyapo o kaya sa Guimba. Minsa’y kasama ng aking Amang sa pagluluto ng doughnut, mga camote cue, at mga banana cue na itinitinda ng aking Inang sa mga bahay-bahay.

Kay sarap sariwain ang mga panahong punong-puno ako ng pag-asa sa kabila ng mga gawaing ito. Ang mga ito marahil ang mga dahilan kung bakit ako naging sakitin at nang lumaon ay nagsilbing balakid para di ko na masyadong magawa ang mga iyon. Madalas malungkot ako noon dahil din a ako makatulong sa aking mga magulang, at pakiramdam ko’y nagging pabigat pa sa kanila dahil sa aking nagging karamdaman.

Subalit patuloy akong nangarap. Di naging dahilan ang kahirapan. Di naging dahilan ang sakit upang di ko na ipagpatuloy ang mga bagay na kumiliti sa aking malikot na imahinasyon.

Tandang tanda ko pa, at bumabalik lagi sa aking ala-ala ang katanungan: WHAT DO YOU WANT TO BE WHEN YOU GROW UP? ANO ANG GUSTO KONG MAGING PAGLAKI KO?

Minsan natatawa ako habang nanonood ng mga palabas sa TV. Ang tanong ng host sa mga bata: Anong gusto niyong maging paglaki nyo? Sagot ng bata: maging dancer po. Yong isa, maging pulis po. At yong isa naman: maging artista po. At hirit naman ng isa: maging doctor po. At yong isa: Wala po!

Ako?

Noong bata ako, magaling akong kumanta. Habang nasa ibabaw ng pinapastol kong kalabaw, nagliliparan at nagugulat ang mga ibon sa paligid sa lakas ng boses ko. Pero hindi pagiging singer ang iniisip ko noon habang nagpapastol ng kalabaw. Sinasabi ko sa aking sarili, darating ang araw, hindi na kalabaw ang sasakyan ko. Isang araw, magkakaroon ako ng magarang sasakyan.

At nangyari iyon.

Wala kaming TV. Madalas, nakikipanood lang ako sa mga kapitbahay. Black and white pa noon. Nakakahiya mang aminin, madalas akong mapagalitan dahil pumapasok ako sa bahay nang may bahay na putikan ang mga paa, makapanood lamang ng tv. Masuwerte kayo ngayon dahil maayos na ang mga kalsada. ‘Di man sementado ay okay na. Hindi kagaya noon na ang ang putik ay hanggang tuhod dahil ang kalsada na dinadaanan naming ay daanan din ng mga kalabaw. Minsan pag di na ako makapasok, hindi dahil maputik ang aking mga paa, kundi dahil puno na sa loob, sumisilip na lang ako sa bintana. Ang sabi ko noon, isang araw, mapapanood ko rin ang sarili ko sa TV.

Nangyari po iyon. Di lamang sa TV kundi pati sa mga sinehan.

Marami pang mga magagandang pangyayari sa aking buhay na ‘di ko na kailangan pang isa-isahin. At lahat nang ito’y dahil sa determinasyon makamit ang aking mga pangarap at matinding pananalig sa ating Poong Maykapal.

Ito lang ang masasabi ko, mga kabataan. Kung ano ang iniisip ninyo ngayon, yon ang magiging kayo paglaki niyo at sa darating na mga araw. Tiyakin niyo lamang na ito ay positibo at para sa ikabubuti niyo at nang karamihan.

WHAT YOU THINK IS WHAT YOU BECOME. Kaya mag-iingat kayo sa mga iisipin niyo mga bata dahil iyon ang mangyayari sa inyo sa mga susunod na mga araw.

Kung mangangarap kayo, iyong mataas na. Always aim for the highest. Valedictorian. First. Huwag lang Average. O iyong simple lang. Pag ‘di nyo man maabot ang Valedictorian o ang First, at least nasa pangalawa kayo. Kapag average ang pinangarap ninyo at ‘di ninyo nagawang maabot iyon, Below Average lang kayo. Minsan nga, Needs Improvement pa.

Huwag ninyong isiping mahirap gawin ito, o mahirap maabot ito. Ang isipin niyo at ipanalangin, “Sana mas magaling pa kayo. Sana magkaroon pa kayo ng mas maraming skills at wisdom para maabot ang mga pangarap ninyo.”

Libre ang mangarap, pero kasabay ng pangangarap natin ay ang pagdarasal at ang pagsabay ng pagpupursigi para matupad ang mga ito.

Napakahalaga ng edukasyon.

Ang sabi ko kanina, ang edukasyon ay isang pribilihiyo . Napakaraming mga batang di nag-aaral subalit kayo ay masuwerte dahil nandito kayo sa paaralan , at ngayon nga ay magtatapos na kayo sa level na ito. Papasok na kayo sa mas exciting na yugto ng inyong buhay: Ang high school.

Kung meron man tayong dapat na pasalamatan sa pagkakataong ito, Una ay an gang ating Poong Maykapal. Siya na nagbibigay ng lahat ng ating mga pangangailangan tibay ng loob at pag-asa sa lahat ng ating ginagawa.

Pangalawa, ang inyong mga magulang na umaantabay sa inyong paglaki at excited na nakikita kayong bumubuo at nag-uumpisang bigyang katuparan ang inyong mga munting pangarap sa buhay. Sila na nagsasakripisyo at nagmamahal ng walang kapalit para mapalaki kayo ng maayos at maitaguyod ang inyong magandang hinaharap.

Pwede po bang magsitayo ang mga kapwa kong magulang ? Atin silang palakpakan at i-wish na sana’y magpatuloy ang kalakasan nila para masaksihan ang tagumpay ng kanilang mga anak sa hinaharap.

At pangatlo ay ang ating mga guro na nagsisilbing pangalawang magulang natin sa labas ng ating mga tahanan. Sila na ginagawa ang lahat para maibahagi ang wastong ka-alaman upang maging tuwid at matagumpay sa hinaharap.

Pwede ko po bang i-request na magsitayo ang ating mga guro? Isang pagpupugay at malakas na palakpakan ang para sa inyo. Nawa’y pagpalain pa kayo at bigyan ng wisdom ng ating Panginoon upang patuloy kayong maging tagapangasiwa sa magandang hinaharap ng ating mga kabataan.

Mga kapwa ko magulang at mga iginagalang naming mga guro, kayo ang nagbibigay ng pundasyon ng kaalaaman sa ating mga anak. Kayo ang nagbibigay pag-asa sa mga kabataang naririto. Ang mga batang ito ay punong puno ng pag-asa. Katulad ng isang apoy, patuloy itong magniningas kapag nilagyan ito ng gas. Kayo ang gas sa apoy ng pag-asa sa kanilang katauhan. Kayo ang bumubuo sa kanila. MABUHAY KAYO!

Ngayon, Pwede ko din bang i - request na magsitayo din ang ating mga batang magsisipagtapos?

ANO ANG GUSTO NYONG MAGING PAGLAKI NYO?

Kung ano man iyon, at alam ko, iniisip niyo na ngayon, IYON ANG MAGIGING KAYO. Huwag matakot mangarap. Ang isang bungkos na pangarap na iyan ang magiging gabay niyo sa inyong pakikibaka patungo sa isang matagumpay na hinaharap.

CONGRATULATIONS SA INYO at magandang araw sa lahat.

No comments:

Post a Comment